MJ MONDEJAR
NAIS paimbestigahan ni Quezon City Rep. Bong Suntay ang mga paglabag sa karapatang pantao na naitala sa kasagsagan ng ipinapatupad na enhanced community quarantine (ECQ).
Ang panawagan ay ginawa matapos ang sunod-sunod na insidente na kinasangkutan ng mga pulis.
Ayon kay Suntay na chairman ngayon ng House Committee on Human Rights, matitimbang sa umiiral na lockdown ang pagpapanatili ng kaayusan at pagtiyak na walang magaganap na human rights violation.
Ani Suntay na kahit nahaharap sa public health crisis ang bansa, hindi naman ito nangangahulugan na maari nang isantabi ang mga karapatang pantao.
Punto pa ni Suntay, hindi dapat pinapayagan ang paggamit ng “excessive force” laban sa mga lumalabag sa quarantine protocols at dapat ipairal ang maximum tolerance.
Sa huli, panawagan din nito na magkaroon ng transparency sa proseso at accountability sa mga otoridad na lumalabag sa karapatang pantao.