JHOMEL SANTOS
MAKATATANGGAP ng cash aid ang lahat ng manggagawa sa buong Pilipinas mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) na apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) laban sa COVID-19.
Sa naging panayam ng SMNI News kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sinabi nitong pagkakalooban ng limang libong piso ang lahat ng formal at informal workers.
Nilinaw naman ni Bello ang kabilang sa formal workers ay ang mga regular, contractual, casual at job order.
Habang kabilang naman sa informal workers ang mga tricycle driver, sidewalk vendor, masahista, manikurista, labandera maging ang mga combo na tumutugtog sa mga restaurant.
Sinabi naman ni Bello, para makuha ang cash assistance para sa mga formal workers ay maaari nang isumite ng employer ang mga payroll ng kanilang mga empleyedo sa tanggapan ng DOLE at matapos ang 48 oras ay makukuha na ito.
Samantala, kailangan namang isumite sa barangay captain, mayor o kongresista ang mga pangalan ng mga informal workers sa DOLE para mai-proseso ang kanilang cash assistance ngunit kailangan lang anila sumunod sa isang alituntunin ng ahensiya.