POL MONTIBON
PIPILITING gawan ng paraan ng lungsod ng San Jose Del Monte ang utos ng pangulo na isama pati ang middle class na mabahaginan din ng tulong habang umiiral ang enhanced community quarantine.
Walang nakikitang masama ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan sa plano ng gobyerno na isama na rin sa pagbibigay ng ayuda ang mga nasa middle class na nakikitang apektado rin sa COVID-19 pandemic.
Bukod pa ito sa mga nasa 18 milyong pamilyang Pilipino na tinukoy ng pamahalaan na una munang mahatiran ng paunang tulong sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine sa rehiyon ng Luzon.
Ito’y matapos ianunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi ang pagsama sa middle class na pamilya na mabigyan ng tulong mula sa ginawang pakiusap ni Cavite Governor Junvic Remulla para sa kaniyang mga nasasakupan.
Ayon kay San Jose Del Monte Bulacan Lone District Congw.
Florida Rida Robes, wala silang pinipili na tutulungan subalit kailangan muna nitong unahin ang mga nasa listahan na tinukoy ng DSWD bago hanapan ng panibagong pondo ang mga natitira pang mga pamilya na kailangang makatanggap ng ayuda.
Matatandaang halos isang milyong populasyon meron ang San Jose Del Monte kaya hindi rin magiging madali sa LGU nito ang paghahati-hati sa pondo.
Batay sa kanilang datos, nasa 66,800 ang mga pamilyang natukoy ng lungsod sa ilalim ng Social Amelioration Program ng pamahalaan at kung isasabay ang middle class aabutin ng mahigit na 170,000 na pamilya ang kailangang tulungan ng lungsod.
Sa ngayon, nag umpisa nang magvalidate ang lungsod sa mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program mula sa Bayanihan Fund.
Samantala, tuloy tuloy naman ng pamamahagi ng food packs sa mga tukoy na indigents ng lungsod at umabot na sa 72,400 na food packs ang naipamigay sa mga lubos na nangangailangang pamilya.
Ang kakaiba ngayon, bukod sa bigas, delata, at noodles, nagbigay din ng preskong gulay mula Baguio City ang lungsod
na inaasahang magtutuloy-tuloy hanggang sa katapusan ng buwan kasunod ng direktiba ni Pangulong Duterte na palawigin pa ang ipinatutupad na lockdown sa Luzon.
Sa ngayon nasa pito na ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Sanjose Del Monte matapos mapauwi na sa kanilang tahanan ang unang kaso nito na si patient no. 21.