Kathy Villanueva
PATULOY ang pagdami ng mga gumagaling mula sa COVID-19 sa rehiyon ng Davao dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng community quarantine guidelines sa Davao City.
Ayon sa Department of Health sa Region 11, umabot na sa limampu ang bilang ng mga naka-recover mula sa kabuuang bilang na siyamnapung positibong kaso ng COVID-19 sa rehiyon.
Dahil dito patuloy na nagpapaalala ang DOH sa publiko na sumunod lang sa mga panuntunang ipinatutupad ng lokal na pamahalaan para magtuloy-tuloy na rin ang pagbaba ng COVID 19-related cases sa rehiyon.
Maigi rin umanong magpalakas ng kani-kanilang immune system ang publiko para maiwasang mahawaan ng nakamamatay na sakit.
Nauna nang pinuri ni National Task Force COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. ang istilo ng pamamalakad ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte matapos na bumagal ang pagdami ng bilang ng mga namamatay dahil sa naturang sakit sa lungsod.
Ayon kay Galvez, malaking bagay ang mahigpit na pagpapatupad ng lokal na pamahalaan ng mga panuntunan sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine.
Ayon sa Department of Health Davao Center for Health Development, agad silang nagsasagawa ng contact tracing sa mga pasyente na posibleng positibo sa COVID-19 para madali nilang ma-monitor ang mga nakasalamuha ng mga ito at nang ma-kontrol ang pagkalat ng virus.