MELODY NUÑEZ
HINILING ni Probinsiyano Rep. Alfred Delos Santos sa Department of Trade and Industry (DTI) na ikonsidera ang pag-exempt sa mga may-ari ng maliliit na negosyo sa pagbabayad ng rental fees sa loob ng mga buwang umiiral ang enhanced community qurantine (ECQ).
Sa kaniyang liham sa DTI, hiniling ni Santos na baguhin ang kanilang Memorandum Circular No. 20-12 na inisyu noong Abril a-4 na nagbibigay ng grace period sa pagbabayad ng commercial rental fee sa loob ng ECQ at bayaran ito sa loob ng 6 na buwang installment plan para makatulong sila sa pagbangon dulot ng pandemic kaya napipilitan ang mga negosyo na magsara.
Ipinanukala ng kongresista na baguhin ang solusyon para sa sektor ng mirco, small and medium enterprises (MSMEs) na sa halip na 30-day grace o anim na buwang hulugan ay i-waive na lamang ang bayad sa renta sa loob ng mga buwan na may ECQ o magbigay ng ilang porsiyentong diskwento sa renta ng mga MSMEs.
Ayon kay Santos, sa ganitong paraan, ang MSMEs na ikinokonsiderang backbone ng ekonomiya ng Pilipinas ay magkakaroon ng tsansang makarekober sa mga nawala sa kanila at mayroon pa rin matirang pera para maipagpatuloy ang kanilang negosyo.
Paliwanag pa ng mambabatas kailangan na protektahan ang MSMEs na may 3.4 milyon na ang empleyado sa buong bansa.