TROY GOMEZ
NILAGDAAN ng labing limang senador ang isang resolusyon na layong bigyan otoridad ang pagsasagawa ng teleconferencing sa plenary session at committee hearing.
Ito ay matapos ihain ng mga senador ang Senate Resolution 372 na layong amyendahan ang senate rules na payagan ang online session sa gitna ng pinalawig pang enhanced community quarantine sa Metro Manila.
Kabilang din sa resolusyon na mabigyang otoridad ang senate president na mag-postpone ng sesyon.
Aatasan naman ang senate secretary na mamahagi ng mga kinakailangang communications technology systems upang matiyak na maisasama sa official record ng senado ang audio at visual recordings ng mga online session.
Kabilang sa mga pumirma sa naturang resolusyon ay sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Minority Leader Franklin Drilon.
Mga senador na sina Sonny Angara, Ronald ‘Bato’ De La Rosa, Sherwin Gatchalian, Lito Lapid, Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., Joel Villanueva, Manny Pacquiao, Pia Cayetano, Nancy Binay, Imee Marcos, Grace Poe, at Cynthia Villar.