Ni: Jonnalyn Cortez
ANG itlog ang isa sa mga pagkaing hindi mawawala sa almusal ng karamihan. Sa katunayan, isa ito sa mga versatile na pagkain na maaaring kainin sa anumang oras, umaga man o gabi, ulam man sa kanin o palaman sa tinapay. Ngunit, ligtas nga ba ito?
Sa isang bagong pag-aaral sa U.S., na inilathala sa Journal of the American Medical Association, napag-alamang mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng sakit sa puso ang sinomang kumakain ng isa at kalahating itlog araw-araw kumpara sa mga hindi kumakain nito. Mas maraming kinakain na itlog, mas mataas ang risk na magkasakit na maaaring maging sanhi ng maagang pagkamatay.
Ang dahilan? Ang mataas na cholesterol na dala ng pula ng itlog.
Maaari pa rin namang maging parte ng healthy diet ang itlog kung kakain lamang ng tama.
Gayunpaman, binatay lamang ng mga mananaliksik mula sa Northwestern University Feinberg School of Medicine ang kanilang pag-aaral sa kinakain ng halos 30,000 kataong kalahok nang magsimula ang pananaliksik. Kabilang din sa pag-aaral ang high blood pressure, paninigarilyo, obesity at iba pang uri ng sakit na maaaring maging sanhi ng pagkakaroon ng sakit sa puso.
Hindi naman binilang ang iba pang pagkain na may mataas na lebel ng cholesterol at nag-focus lamang sa mga sakit na maaaring magmula sa cholesterol sa itlog.
Binigyang-diin ni Dr. Bruce Lee mula sa Johns Hopkins University na madalas mahina ang mga pag-aaral na may kinalaman sa nutrisyon dahil karaniwang nakakalimutan ng mga tao ang kanilang eksaktong kinain ng mga nakalipas na araw.
“We know that dietary recall can be terrible,” wika ni Lee. “The new study offers only observational data but doesn’t show that eggs and cholesterol caused heart disease and deaths.”
Dagdag naman ng preventive medicine specialist at senior author ng pananaliksik na si Norrina Allen na kulang ang pag-aaral sa mga impormasyon kung ang mga kalahok ay kumain ng nilagang itlog, poached, prito, o scrambled na ginamitan ng mantikilya na maaari ring makaapekto sa kalusugan.
“Some people think ‘I can eat as many eggs as I want,’ but the results suggest moderation is a better approach” pahayag ni Allen.