BAKA sa unang basa ng iba, ang titulo nito ay “pagkatonto.” Tama po iyan—pagkatanto—realization sa inggles dahil nagsisimula pa lamang halos ang ating pagharap sa pandemiyang COVID-19, may ilang malinaw nang pagkatantong mahuhugot.
Nang pumasok ang 2020, nasa 7.5 porsyento ang target ng ating pamahalaan upang palaguin ang pambansang ekonomiya (paglaki ng gross domestic product o GDP). Ngayong napag-aralan na ng National Economic Development Authority (NEDA) ang posibleng epekto ng hindi inaasahang pandemiko sa ating ekonomiya, sinasabing maaaring umabot na lamang sa 5.5 porsyento ang paglago nito.
Kung makokontrol agad ang paglaganap ng COVID-19 sa loob ng isang buwan, ang paglago ng GDP ng bansa ay maaaring maging mas mabilis pa rin kaysa sa inaasahang 4.8 porsyento ng Indonesia, 3.8 porsyento ng Malaysia, at 1.8 porsyento ng Thailand. Hinaharap din ng mga bansang ito ang dagok ng pandemiya.
Habang sinusulat ang artikulong ito, nagpahayag muli ang Pangulo tungkol sa patuloy na paglaban natin sa pandemiya at tinuran niya: “Rest assured your government is on top of the situation at all times.” Lalo na sa mga tagapagtangkilik niya, napakagandang pakinggan ang pagtitiyak ng Pangulo na hindi nagpapabaya at nakatutok sa pamamahala ang ating pambansang liderato.
Sa inaasahan nating pagtatagumpay ng bayanihan laban sa pandemiya, sana naman maalala natin ang ilang pagkatantong mayroon tayo sa ngayon hinggil sa pagpapatakbo ng isang pambansang ekonomiya.
Una, may napakahalagang papel na ginagampanan ang mga service workers mula impormal hanggang sa pormal na sektor. Mas malaki pa nga ang impormal na sektor sa dami ng bilang ng mga taong dito nakasalalay ang kinabukasan. Halimbawa ng mga ito ang mga street vendors at iba pang mga maliliit na negosyante.
Sa pormal na ekonomiya naman, lalo na sa ilang uri ng gawain, magandang opsyon naman pala ang mga work-from-home na kaayusan o kaya ang isang shortened work week. Maraming positibong dala ang mga alternatibong kaayusang pang-ekonomiya naman para sa mga nag-oopisina.
Sa usaping pamamahala, hindi natin kailanman matatawaran na ang pangangailangan na maging handa sa dilubyo o sakuna, lalo na sa pagtatabi ng sapat na pondo para rito. Nitong huling taon, kinaltasan natin nang kinaltasan ang mga pambansang pondo para sa kalusugan, siyensiya, pambansang kapaligiran, at maging sa disaster management. Masakit na aral ang COVID-19 at maging ng kailan lamang na pagputok ng Taal ang pagkukulang ng bansa sa mga usaping ito.
Ikaapat, kapansin-pansin ang malinis na kapaligiran ngayon sa Kalakhang Maynila. Nawala ang smog at napakalinis ng mga lugar na dati ay nanlilimahid. Kaya naman palang maglinis nang maayos ng mga LGU, sana ay maipagpatuloy ito kahit wala ng pandemiya. Kaya naman palang mabawasan ang trapik at polusyon (dahil, halimbawa, sa mga alternatibong work arrangements gaya ng work-from-home), bakit hindi ipagpatuloy kahit na wala na ang pandemiya.
Higit sa lahat, kaya naman palang bigyan ng mas matinding suporta ang mga kapus-palad at mga mababa ang kinikita, bakit hindi natin ipagpatuloy?
Sa kalaunan, ang pagkatanto nating mga ito ang tunay na magdadala ng makabuluhang pagbabago sa lipunan at hindi lamang ang payak na paglago ng pambansang ekonomiya.