BERNARD FERRER
TULOY-TULOY ang paghahatid ng tulong ng Philippine Navy sa mga apektadong kababayan sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine sa buong Luzon dahil sa COVID-19.
Humingi ng tulong ang Munisipalidad ng Aparri, Cagayan sa Philippine Navy upang mahatiran ng tulong ang Fuga Island.
Ayon sa Philippine Navy, dalawang barko nila ang ginamit sa paghahatid ng relief goods sa mga apektadong residente.
Ang Fuga Island ay isa sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas ng Babuyan Group of Islands kung saan mayroon itong mahigit 2,000 ang populasyon.
Samantala, nakiisa rin ang Civil-Military Operations Group ng Philippine Navy sa paghahatid ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ParaƱaque local officials, 5th Army Reservist, at iba pang civilian volunteers sa ParaƱaque.
Mahigit 2,000 kabahayan sa Creek Drive 1 at 2 ng Barangay Valley 8, Kabihasnan Coastal Road, Barangay San Dionisio at Sitio Manggahan 1 & 2 sa Barangay Merville ang nahatiran ng food packs.
Bawat family food packs ay naglalaman ng 35 iba’t ibang canned goods, 20 sachet ng kape, 20 sachet ng gatas at 10 kilo ng bigas.
Tiniyak ng Philippine Navy ang patuloy na pagtulong nila sa gitna ng problema ng bansa sa COVID-19.