HANNAH JANE SANCHO
IPINAG-UTOS ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa Department of Education (DepEd) na pag-aralan kung maaaring ipagpaliban ang pag-uumpisa ng klase sa Agosto o Setyembre sa halip na sa Hunyo dahil pa rin sa banta ng COVID-19 pandemic.
Kasunod ito ng rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) on infectious diseases na sa Setyembre na ang pagbabalik ng klase dahil nasa state of emergency naman ang bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, na base sa batas, dapat ay sa Hunyo o huling linggo ng Agosto ang pagbubukas ng klase.
Tiniyak ni Roque na hindi magbubukas ang klase sa Hunyo at ang kailangan na lang pag-usapan ay kung Agosto o Setyembre ang pagsisimula ng klase.
Dagdag pa ng tagapagsalita ng Malakanyang na walang dapat ipag-aalala ang mga guro sa pribadong paaralan na maaaring maapektuhan ang kanilang sweldo dahil may mga programa ang gobyerno at dapat lang nilang gawin ay makipag-ugnayan sa Department of Labor and Employment.