HANNAH JANE SANCHO
NAGBOLUNTARYO si Pangulong Rodrigo R. Duterte na isali ang Pilipinas sa clinical trials ng bakuna laban sa COVID-19 na gawa sa Japan katulad ng Avigan.
Ayon kay Cabinet Secretary at Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases Spokesperson Karlo Nograles, nakausap ng Pangulo sa pamamagitan ng video conference si Japanese Prime Minister Shinzo Abe sa ginanap na special ASEAN summit.
Tinalakay umano sa summit ang gamot na Avigan na ginagamit sa flu at influenza kung saan binanggit ni Abe na nasa 50 bansa ang interesado na pag-aralan ang nabanggit na gamot.
Tinalakay naman ni Pangulong Duterte sa pulong ang kooperasyon sa science at research lalo na pagdating sa pag-develop ng mga bakuna at anti-viral treatment, at katiyakan sa food security o pagkain.