JAMES LUIS
MATAPOS ang 16 taon sa karera ay opisyal nang inanunsyo ng beteranong manlalaro na si Ranidel de Ocampo ang retirement nito sa Philippine Basketball Association (PBA) kung saan magkakaroon na ito ng mas maraming oras para sa kanyang pamilya.
Si De Ocampo ang fourth overall pick ng FedEx sa 2004 PBA Rookie Draft ngunit sa TNT franchise nito nabuo ang kanyang pangalan bilang isa sa pinakamahuhusay na power forwards ng PBA.
Naging two-time finals MVP, six-time champion at best player of the conference sa 2014 PBA Governor’s Cup si De Ocampo.
Naging parte rin ang beteranong manlalaro ng Philippine National Team at naglaro para sa Gilas Pilipinas Squad na nakapag-uwi ng silver medal noong 2013 FIBA Asian Championship at kalauna’y nakipagtunggali sa FIBA Basketball World Cup.
Sa huli ay pinasalamatan ni De Ocampo ang kanyang mga coach, teammate, kaibigan at fans na naging parte ng kanyang basketball career.