ADMAR VILANDO
KINUMPIRMA ni PNP Spokesperson Brigadier General Bernard Banac na hihigpitan na ng ahensya ang safety measures sa lahat ng custodial cells ng mga police stations bilang pagtugon sa ipinaiiral na protocols laban sa paglaganap ng COVID-19.
Isa sa hakbang na ipinatutupad ng kapulisan ay ang temporaryong pagbabawal ng pagdalaw ng mga inmates.
“Ipinagbawal po talaga ang anumang dalaw para walang contact na mangyayari from the outside. Salamat sa Diyos, sa ngayon wala pa namang nagpapakita ng sintomas na mayroong nagkakasakit sa mga inmates natin”, ayon kay Banac.
Isasailalim naman sa masugid na preventive measures ang lahat na authorized personnel sa mga custodial cells para masiguradong hindi madadapuan ng COVID-19 ang mga inmates.
Sa ngayon, umabot na sa 71 na police personnel ang kumpirmadong apektado ng naturangs sakit kung saan 10 rito ay nakarecover na at 3 naman ang naitalang nasawi.