Tzu Chi Foundation, namahagi ng bigas sa QC
POL MONTIBON
SA panahon ng trahedya, mismong ang Pangulo na ang nakikiusap na dapat ipadama ang pagtutulungan at pagmamalasakit nang maibsan ang paghihirap ng ating mga kababayan.
Batay sa paniniwala ni Master Cheng Yen isang Buddhist nun, at kilala bilang Master of Buddhist Teaching sa Taiwan, na pinaniniwalaan ng karamihan sa Chinese communities, ang tugon aniya para malabanan ang COVID-19, una ang medical aspect at ang ikalawa ay ang punan ang pagkalam ng sikmura ng tao dahil kung hindi raw ito maagapan ay hindi imposibleng magkagulo ang tao dulot ng kagutuman.
Ngayong araw, aabot sa 2000 ng kaban ng bigas ang ipinamahagi ng Tzu Chi Foundation para sa mga informal settlers sa Brgy. Tatalon Quezon City.
Nauna munang namigay ng claim stub ang grupo sa bawat kabahayan. Isang claim stub sa bawat pamilya sa lugar. Tanging lalake lamang ang papayagang kumuha ng ayuda na 25 kilos na bigas.
At bilang tugon sa obserbasyon ng social distancing, organisado ang pamamahagi ng bigas dahil nakalinya ang mga benepisyaryo na malayo sa isat-isa.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga nabigyan ng ayuda na aminadong malaking bagay ito sa kanila lalo pa’t pinagtibay pa hanggang April 30 ang lockdown sa buong Luzon dulot ng patuloy na pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa bansa.
Ito na ang pang apat na araw na namamahagi ang grupo at umabot na sila sa 7000 sako ng bigas ang naipamigay sa ilang lugar sa Quezon City.
Sabay-sabay din na isinasagawa ang rice distribution sa Marikina, San Mateo Rizal, Binondo Manila, Brgy Sto. Domingo, at Old Balara na may kabuuang 60,000 na kabang bigas.