CHERRY LIGHT
DALAWANG araw na hard lockdown sa Tondo District 1, sisimulan na sa Mayo a-tres alas singko ng umaga kung saan, wala nang papayagan na umalis o lumabas ng kanilang mga bahay.
Samantala, nilinaw naman ng Manila Police District magiging case-to-case basis ang kanilang gagawing panghuhuli.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay Manila Police District Director Brig. Gen. Rolando Miranda, sinabi nito na simula May 03, ng alas singko ng umaga ay wala na silang papayagan pang umalis sa kanilang mga bahay kung saan mga frontliners lang ang pinapayagan ng mga otoridad na makaalis sa lugar.
Gaya rin ng standard na direktiba ng ECQ, wala silang papayagan na magbukas ng establisayimento maliban nalang sa palengke sa Divisoria dahil ito ang sentro ng komersyo sa buong Metro Manila.
Samantala, nananawagan naman ito sa publiko ng kumpletong kooperasyon sa nasabing lockdown.
Nilinaw nito na kung nakabakod naman ang bahay ng isang residente, hindi ito pakikialaman ng kapulisan kahit lumabas pa ito sa pintuan.
Subalit aniya, kalimitan sa kabahayan sa Tondo ay walang bakod kung kaya’t nilinaw din nito na maaring mahuli nga ang indibidwal na nakitang lumabas ng bahay sa panahon na ipatupad ang hard lockdown.
Tatagal naman ang naturang lockdown hanggang sa Martes ng alas-singko ng umaga Mayo a-singko.