CRESILYN CATARONG
ISASAILALIM sa modified enhanced community quarantine ang National Capital Region (NCR) simula sa May 16.
Kabilang dito ang probinsya ng Laguna at Cebu City. Sa ilalim nito may mga ilang industriya ang maaari nang mag-operate.
Mapapasailalim na sa modified enhanced community quarantine ang lahat ng Highly Urbanized Cities (HUC) ng National Capital Region (NCR) kasama ang munisipalidad ng Pateros, Laguna Province at Cebu City simula May 16 hanggang May 31.
Ito ang inanunsyo ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa ginanap na press briefing.
Paglilinaw ng tagapagsalita, ibig sabihin nito, ECQ pa rin pero may kaunting mga industriya lamang na hahayaang magbukas.
Ilalabas naman bukas Mayo a-trese, ang pinal na listahan ng mga industriya na papayagan nang magbalik-operasyon.
Sa ilalim ng modified ECQ, limitado lamang ang transportation services at hanggang 50% lang ang workforce.
Dagdag pa ni Roque, may mga lugar sa modified enhanced community quarantine na mananatili sa ECQ dahil sa mataas na kaso ng COVID-19.
Ang mga lokal na pamahalaan naman ang tutukoy sa mga high-risk areas na ito na may kasamang koordinasyon sa Regional Inter-Agency Task Force.
Samantala, inilatag ng Department of Health (DOH) ang mga sektor na ikinokonsidera ng IATF para sa decision making tulad ng health, security, social at economic para malaman ang klasipikasyon ng isang local government kung ito ay low-risk, moderate-risk o high-risk.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Vergeire na ang posibilidad ng second wave ay isang bagay na talagang iniiwasan.
Ipinunto ng health official na huwag dapat maging kampante bagkus kailangan pa ring maging maingat at alerto ang bawat isa lalo na at hindi nakikita ang nakamamatay na kalaban.
Iginiit naman ni Vergeire na kailangang ma-isolate agad ang mga indibidwal na nakararanas ng mga sintomas ng COVID-19.