ADMAR VILANDO
KARAGDAGANG dalawang daan siyam napu’t apat (294) na pulis na mula sa Reactionary Standby Support Force (RSSF) sa Camp Crame ang idineploy ngayong araw sa Metro Manila upang tumulong sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila sa gitna pa rin ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay NCRPO Chief Major General Debold Sinas ang nasabing mga pulis ay nasa maayos na pisikal at mental na kondisyon at handa silang umayuda sa mobile force battalion.
Nangyari ang turnover ceremony sa grandstand ng NCRPO headquarters sa Camp Bagong Diwa, Taguig City nitong Linggo na pinangunahan ni Col. Bernard Yang, Acting NCRPO Chief of the Regional Operations Division.
Hinati sa limang distrito ang deployment ng mga pulis, mula sa Manila Police District, Quezon City Police District, Northern Police District, Southern Police District, at Eastern Police District.
Ani Sinas mas maraming Security Forces ang nakatakdang ipakalat sa Metro Manila lalo pat hanggang may 15 ang ECQ.
Dagdag pa nito, plano nitong makipagkita at kausapin ang Philippine Army and the Philippine National Police’s Special Action Force upang humiling ng karagdagang pwersa.