HANNAH JANE SANCHO
IPINAG-UTOS ng Pamahalaang Lungsod ng Davao ang pagpapasara sa limampung non-essential establishments bunsod ng pagpapairal ng enhanced community quarantine kung saan isang cease and desist order ang iginawad.
Ito ay matapos ang rekomendasyon ng joint inspection team sa pangunguna ni Mayor Inday Sarah Duterte na binubuo ng mga department heads mula sa Business Bureau, City Legal Office, City Health Office, Davao City Investment and Promotion Center, Museo Dabawenyo at ang Integrated Gender and Development Division.
Ayon pa kay Lorna Mandin ang siyang nanguna sa inspection team ang mga establisamyento na sinasabing non-essential o hindi gaanong kailangan ay ang lumber shops, hardware, laundry shops, cellphone accessory stores, gun stores, flower shops, beauty salons, ang mga tindahan na nagtitinda ng garments at sapatos at mga dine-in eateries.
Ilan sa mga ito ay nasa Mintal, Tigbok, Calinan, Buhangin, Cabantian, Sandawa, Matina, Toril, Dumoy, Catalunan Pequeno, Bankerohan at A. Pichon St. maging ang Matina Aplya.
Lima sa mga ininspeksyon ay sasailalim pa sa imbestigasyon ng Business Bureau dahil sa ilang paglabag sa ECQ guidelines o protocol.
Random na ginagawa ang mga inspeksyon bunsod ng mga reports na may iilang mga pamilihan na nananatiling bukas sa kabila ng pagbabawal sa kanila.
Nagbabala rin ang ahensya na maaring masampahan ng kaso at hindi na maka operate pang muli ang ilang magpupumilit na mag bukas sa kabila ng closure order.
Matatandaan na ang mga mahahalaga o mga pangunahing pangangailangan lamang at ilang sektor ang pinapayagang mag operate sa ilalim ng enhanced community quarantine.