NI: MARILETH ANTIOLA
Ang tag-araw ay maaring magdulot ng sunburn, heat stroke at kadalasan na maari rin makapagbigay ng mga sakit sa balat dahil sa matinding init ng araw. Ang tag-ulan naman ay maaring makapagdulot ng lagnat, trangkaso at ang isa sa hindi maiiwasang mga sakit ay ang sinusitis.
Ang mga taong nakakaranas ng sinusitis ay madalas barado ang ilong at hirap huminga. Kalimitan binabalewala lang ng mga tao ang sinusitis sa akalang ito ay simpleng sipon lamang.
Nagkakaroon ng sinusitis kapag ang tissue na nakapalibot sa sinuses ay namaga. At dahil sa pamamaga nagbabara ang ilong at nagkakaroon ng tubig na maaring humantong sa impeksyon.
Ang mga ang sumusunod ang dapat gawin at iwasan kung may sinusitis:
- Iwasang kumain ng malalamig na pagkain gaya ng ice candy at sorbetes.
- Iwasan muna ang paggamit ng aircon kapag matutulog dahil ang lamig nito ay maaring makapagbigay ng dahilan para sipunin at bahangin ang taong may sinusitis, na puwedeng makapagpalala pa nito.
- Huwag munang gumamit ng matatapang at sobrang maamoy na mga pabango, dahil ang mga ito ay maaring makapagdulot sa taong may sinusitis ng pag-bahing at pagkuskos ng kanilang mga ilong. Ang matapang na amoy nito at ang mga cologne at iba pang klase ng pabango ay may sangkap na iba’t-ibang kemikal.
- Kung may sinusitis ka, makabubuting umiwas sa mga lugar na maalikabok at kung sa bahay naman ay maglinis sa pamamagitan ng paglampaso gamit ang basahang basa o vacuum cleaner. Hindi mainam na magwalis dahil lilipad lamang ang alikabok. Pagkatapos maglampaso at saka lamang daanan ng walis ang mga sahig.
- Kung bibiyahe naman ay mainam na gumamit ng mga disposable face mask o yuong gawa sa tela, para maiwasang makalanghap ng usok at alikabok galing sa mga sasakyan.
- Mas mabuting laging may baon na tissue para kung may tutulo galing sa ilong, kung babahing at sisinga ang taong may sinusitis ay itatapon na lang ang tissue kaysa kung bimpo o panyo dahil maiipon ang bacteria dahil sa paulit-ulit na paggamit nito.
Laging tandaan ang mga bagay na ito para maiwasan na lumala at lalong matrigger ang inyong sinusitis.
Mga lunas
- Uminom ng sapat na bilang ng baso ng tubig araw-araw. Nirerekomenda ang walong baso o dalawang litro sa maghapon.
- Inumin agad ang mga niresetang gamot ng iyong doctor.
- Mainam ang pagkain ng mga masusustansyang pagkain gaya ng mga gulay at prutas.
- Ang paggamit ng air humidifier ay nakakatulong para magamot ang sinusitis.
- Maaaring gumamit ng mga nasal spray o drops pero huwag sumobra ang gamit ng mga ito dahil nakakasira rin ng lining ng ilong.
Ilan lamang ito sa mga gamot at lunas sa inyong bahay na hindi kinakailangan gumastos ng malaki.
Kung ikaw ay may sinusitis ay huwag ka nang mag dalawang-isip kung gagamutin mo ba ito o hindi. Gawin mo na agad ang mga bagay, gamot at lunas upang gumaling at huwag nang hintayin pa na lumala ang iyong sakit.
Alagaan at mahalin ang inyong kalusugan dahil bukod sa mahirap magkasakit, magastos din ito.