CRESILYN CATARONG
PATULOY ang pagtaas ng bilang ng mga gumagaling mula sa COVID-19 sa bansa.
Batay sa huling COVID update ng Department of Health, Lunes, nadagdagan ng isang daan at isa (101) ang bilang ng mga gumaling mula sa naturang virus.
Dahil dito, pumalo na sa isang libo tatlong daan at labing lima (1,315) ang bilang ng mga nakarekober.
Samantala, nadagdagan naman ng dalawang daan anim na pu’t dalawa (262) ang bilang ng mga nagpositibo sa naturang sakit kung saan ang isang daan dalawampu’t dalawa (122) ay mula sa National Capital Region, walumpu’t walo (88) naman ay mula sa Region 7 at ang limamput dalawa (52) ay mula sa ibang ibang lugar sa bansa.
Dahil dito, umakyat na sa kabuuang siyam na libo apat na raan walumput lima (9,485) ang kumpirmadong tinamaan ng COVID-19.
Sa naturang bilang naman, anim na raan dalawamput tatlo (623) ang nasawi matapos makapagtala ng labing anim (16) na nasawi sa nakalipas na bente kwatro oras.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng nakakarekober kumpara sa mga nasasawi mula sa COVID-19 pandemic.