PINAS News Team
MALAKI ang posibilidad na maging zero case ang death toll sa United Kingdom sa katapusan ng Hunyo. Ito ang sinabi ng isang eksperto sa bansa.
Dahil sa patuloy na pagbaba ng trends ng namamatay dito sa United Kingdom, sa kabila ng pagkakatala ng kabuuang bilang nito sa 35,000, naniwala si Professor Cark Heneghan ng Oxford University na maabot ng bansa ang zero death toll sa susunod na buwan.
Iginiit ng nangungunang siyentista ng Oxford University na magkakaroon ng mga araw sa Hunyo na walang maitatalang nasawi sa coronavirus sa Britanya.
Matatandaan na noong Mayo a-disi nuebe ay tumuntong na sa tatlumpu’t limang libo ang bilang ng namatay sa virus.
Ipinakita sa pinakahuling tala na tumaas ito ng 545 mula sa mga ospital at care homes sa buong bansa – ito na ang pinakamalaking bilang na naitatala sa isang linggo.
Gayunman, makikita pa rin na patuloy na bumaba ang galaw nito.
Ayon naman kay Environment Secretary George Eustice, ang kabuuang bilang ng nasawi sa COVID-19 sa UK ay umabot na sa 35,341.
Ang bilang na ito ay kasunod ng anunsyo ni Boris Johnson na maaari nang magbukas ang mga paaralan sa iilang mag-aaral sa Hunyo a-uno.
Sinabi naman ng Chairman ng Public Health Medicine Committee ng British Medical Association na si Dr. Peter English, na tumataas ang ebidensya sa sinasabing maliit lang ang tsansa ng panganib ng mga bata sa virus, ngunit nagbabala naman ito sa posibilidad na maaaring maikakalat naman ito ng mga bata.