Vick Aquino Tanes
ALAM ba ninyo na maraming klase ng sibuyas. Kadalasan itong inilalahok sa pagluluto, inilalagay sa sawsawan at ginagamit bilang herbal therapy para sa iba’t ibang klaseng sakit. Gamit din ang balat ng sibuyas bilang pampakulay, pantanggal ng amoy, pampaalis ng mga insekto, at pampakintab ng metal.
Ang sibuyas ay nagmula sa Asya at Middle East kaya naman popular ang sibuyas sa mga Arabo, Bumbay at iba pa. Ang iba naman ay sinasamba ang sibuyas na para bang ito ang nagbibigay sa kanila ng buhay na walang hanggan. Inilalagay ang sibuyas sa mga libingan ng mga hari ng Ehipto na namatay na sa paniniwalang ang mga ito ay aakay sa kanila sa kabilang buhay.
Ang sibuyas ay mayaman sa sulphur, na siyang dahilan kung bakit ito ay may matapang na amoy at nakakapagpagaling. May taglay din itong flavonoid partikular ang Quercetin na mahusay na antioxidant. Ito ay mayaman din sa mga bitamina tulad ng B6, C, biotin, K, folic acid, chromium, calcium at fiber.
Mas maraming bitaminang makukuha mula sa sibuyas kapag kinakain ito ng hilaw at kapag hindi ito hinihiwa o hinuhugasan sa tubig dahil napapanatiling buo ang bitamina at mineral nitong taglay. Subalit, ang lutong sibuyas ay may taglay pa ring bitamina na nakakatulong sa ating kalusugan.
Ang sibuyas ay mabisang pampurga, pwedeng maging antibiotic at mayroong antiseptikong taglay. Nakakaalis ng sakit, pamamaga at pangingirot.
Puwede rin itong maging diuretic, nakakatulong sa ating digestive system, fungicidal, tonic at stimulant. Nakakapagpababa ng kolesterol at triglycerides, nagpapababa ng high blood pressure, at nababawasan ang panganib na magkaroon ng sakit sa puso at stroke.
Ang sibuyas ay nakakatulong din sa pag-iwas ng pagkakaroon ng tumor at iba pang klase ng kanser. Maiwasan ang gastric ulcer, indigestion o hindi pagkatunaw ng kinain, pagkakaroon ng kabag o hangin sa sikmura.
Nakakatulong din ito upang maging maginhawa ang pakiramdam sa panahong may trangkaso, ubo, sipon, bronchitis at nagtatanggal din ng plema.
Isang anti-allergenic, nagpapababa ang sibuyas ng sugar level, nagpapanatili ng malakas na buto, nagpipigil upang magkaroon ng anemia, pagkabulok ng ngipin at impeksiyon sa bibig.
Ang sibuyas ay may iba’t ibang uri tulad ng:
Yellow Onions. Ito ang uri ng sibuyas na matamis ang lasa at golden color ang balat at pale yellow naman ang kulay ng laman. Ito ang madalas na ginagamit sa pagluluto dahil sa tamis ng lasa nito at ito rin ang mahusay na gamitin lalo na kapag gumagawa ng onion soup. Ang ganitong klase ng sibuyas ay lalong tumatamis habang niluluto.
Red Onions. Ang sibuyas na pula ang tinatawag nilang maanghang na sibuyas. Ang kulay nito ay pula sa labas at medyo mapulang maputi sa loob. Hindi ito pwedeng itago nang matagal. Ginagamit ito sa sariwang gulay bilang salad at sa mga sandwiches at minsan ay ginagamit din sa pagluluto.
White Onions. Ang mga ganitong klase naman ng sibuyas ay kulay puti sa labas at puti rin sa loob. Ito ang pinaka-suwabe sa lahat at maaari itong kainin ng hilaw o luto. Ginagamit ito ng madalas ng mga Mehikano sa pagluluto.
Green Onions/Spring Onions. Ang green onions ay tinatawag nilang sibuyas na mura na pwedeng kaining hilaw. Maaari itong gawing palamuti at pampalasa sa lugaw, mami at iba pa.