KATHY VILLANUEVA
UMABOT sa siyam na milyong piso ang personal contributions ng Davao Region Police Officers para sa Team PNP Bayanihan Fund Challenge ng Philippine National Police. Layon ng nasabing pondo na ayudahan ang ginagawang pagsisikap ng gobyerno para labanan ang COVID-19.
Ito nga ay kahit pa kailangan din ng mga pulis ang pera para suportahan ang kanilang pamilya.
Ayon sa Police Regional Office 11, walong libong kapulisan ang nag-ambag ng bahagi ng kanilang sweldo dahilan para mabuo ang mahigit siyam na milyong piso.
Inilunsad ang Team PNP Bayanihan Fund Challenge para maka-ipon ng dalawang daang milyong piso mula sa boluntaryong kontribusyon ng mga opisyal at personnel ng pambansang pulis na aabot din sa mahigit dalawang daang libong katao.
Layunin nitong abutin at ayudahan ang tinatawag na “poorest of the poor” sa lipunan na pinaka-naaapektuhan ng nakamamatay na COVID-19.
Ang nabanggit na kontribusyon ay naiabot na sa Regional Finance Service Office at naideposito na rin sa Land Bank of the Philippines Support Fund Account.