YNA MORTEL
SINIGURADO ng Department of Labor and Employment o DOLE na maipatutupad pa rin ang ilang protocols para sa mga manggagawa sa nakatakdang pagbubukas ng ilang industriya sa mga lugar na isasailalim sa modified enhanced community quarantine simula Mayo a-dise-sais.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na kailangang pairalin ang safety at health standards sa mga lugar na pagtatrabahuan para ligtas mula sa kontaminasyon ang mga manggagawa.
Tiniyak ni Bello na ang magbabalik-trabaho na Filipino workers, bago makapasok, kailangan kinukuha ang temperatura, naka-face mask, at may disinfectant at sabon doon sa workplace.
Kaugnay nito, inihayag naman ng Department of Health (DOH) na kailangang ipatupad ang minimum health standard sa mga workplace.
Sinabi ni DOH Spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergeire na mayroong binabalangkas ang ahensya na Return to Work Policy kung saan pangunahing sinasabi sa mga employer na dapat magkaroon ng screening for symptoms.
Dagdag pa ni Vergeire, kapag bumalik na sa trabaho ang mga empleyado, magkakaroon ng screening process at titingnan kung sila ay may sintomas para mahiwalay at mai-test.