MARGOT GONZALES
Aminado ang Department of Energy o DOE at Private Energy Sector na malaki ang naging epekto ng pandemya dahil sa ipinatupad na Enhanced Community Quarantine o ECQ.
Ayon kay Energy Secretary Alfredo Cuzi, humina ang power consumption sa Luzon ng 30 percent, 19 percent sa Visayas at 25 percent sa Mindanao.
Ito ay dahil sa pagsasara ng mga ilang negosyo, establisyamento, pabrika at mga hotel bilang guidelines sa ECQ.
Ayon pa kay Cuzi pati ang oil demand ay naapektuhan din kung saan ay bumaba sa 37 percent ang gas demand.
Sa global data naman ng DOE ay nagkaroon ng 25 percent decline o pagbaba sa energy demand at naitala ang 20 percent decline sa electricity demand sa mga bansa na nasasailalim ng lockdown.
Sa kabila nito ay aminado naman si Sec. Cuzi na tumaas ang consumption sa residential kung saan nga ay halos lahat ng pamilya ay nakalockdown sa kanilang mga tahanan dahil sa ‘Stay At Home Policy’ ng gobyerno at gawa na rin ng mainit na panahon simula noong May 1.
Tinitiyak naman ng DOE na tuloy tuloy ang pagpapailaw sa mga tahanan lalo na sa mga island areas .
Ayon kay Cusi ay tiyak silang makukumpleto ang electrification project ng gobyerno at mapapailawan ang lahat ng tahanan bago pa ang pagtatapos ng termino ng Pangulo sa 2022.
Ang tuloy tuloy na electrification project ng DOE kasama ang mga electric cooperatives ay para na rin matiyak na ang mga uuwing mga Pilipino mula sa Metro Manila sa pamamagitan ng Balik Probinsya Project ng gobyerno ay may gagamiting elektrisidad sa kanilang mga tahanan.
Sinasabi namang nasa 15 hanggang 25 billion pesos pa ang kakailanganin ng pamahalaan para makumpleto ang electrification project.