CRESILYN CATARONG
NAGPAPATULOY ang first wave ng coronavirus disease o COVID-19 sa Pilipinas.
Ito ang nilinaw ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa press briefing ngayong araw sa Malakanyang.
Ito ay taliwas sa sinabi ni Department of Health o DOH Secretary Francisco Duque III sa pagdinig ng Senado kahapon na nakakaranas ngayon ang bansa ng second wave ng COVID-19 transmission.
Ani Roque, nagsimula ang first wave nang dumating ang tatlong Tsino na mayroong kaso ng COVID-19, pero hindi aniya ito community acquired, ganoon pa man, doon nagsimula ang first wave.
“Nagpapatuloy po ang first wave. Sa katunayan, nagpatuloy ito sa buwan ng Pebrero na mayroon tayong konting mga kaso na nai-report at lumobo sa buwan ng March, pahayag ni Roque.”
Aniya, tumaas pa ang bilang ng COVID-19 hanggang sa buwan ng Mayo pero unti-unti naman na itong bumababa o nagfa-flatten ang curve.
Samantala, humingi naman ng paumanhin ang Palasyo sa publiko sa dulot na pagka-alarma sa pahayag na nasa second wave na ng COVID-19 ang bansa.
Gayunpaman, muling ibinahagi ng tagapagsalita ang paninindigan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na kailangang gumawa ng hakbang para maiwasan ang pangalawang bugso ng COVID-19.
Ipinaalala ng Malakanyang ang nangyari sa kasaysayan nang sinalanta ng Spanish flu pandemic ang buong mundo kung saan napakaraming namatay sa second wave.