JHOMEL SANTOS
HINIMOK ngayon ng International Federation of Bodybuilding and Fitness (IFBB)-Philippines ang Inter-Agency Task Force for Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na muling ikonsidera ang naunang desisyon nito na payagan silang magbukas at mag-operate sa panahon ng general community quarantine.
Sa sulat na ipinadala ni IFBB-Philippines President Rowena Walters sa IATF, sinabi nitong mahalagang mapanatili ang maayos at malusog na pangangatawan ay nagpapalakas ng immune system na siyang pangunahing pananggalang laban sa COVID-19 at iba pang mga sakit.
Binigyang diin nito na ang kanilang apela ay hindi para dagdagan ang pasanin ng gobyerno at magdulot ng panganib sa publiko bagkus bilang pagpapahayag ng boses ng mahigit isang libong gym owners at mahigit sampung libong trainers at workers na nawalan ng hanapbuhay dahil sa lockdown.
Ilan sa mga panukalang isinumite ng grupo ay ang mga sumusunod:
- Paglimita sa oras ng pag-gygym mula alas siyete ng umaga hanggang alas siyete lamang ng gabi;
- Paglimita sa paggamit ng gym kung saan isang oras lamang bawat tao;
-Pagkakaroon ng iskedyul sa mga gym users. Kung saan 30 minuto hanggang isang oras lamang. Ito ay upang maisagawa ang paglilinis at disinfection;
-Ipatutupad ang ‘no mask and gloves, no workout policy;’
-Ang mga gym personnel ay kailangan na magsout ng face shields, masks at disposable gloves;
-Dapat kunan ng temperature ang lahat ng papasok sa gym;
-Kailangan mag hand sanitizer at foot bath bago pumasok sa gym;
-Kailangan ang social distancing sa pagitan ng gym trainers at clients nito.
-Bawal ang stretching at massage pagkatapos magworkout;
-Bawal ang group classes;
-Bawal din ang sparring sa martial arts at boxing gyms.
-Kinakailangan maglagay ng plastic screen dividers sa -pagitan ng mga machines at equipment;
-Rapid test kit dalawang beses sa isang buwan para sa mga gym user
Sinabi ni Walter na ang grupo ay handang makipagpulong sa IATF lalo na sa Department of Health upang pag-usapan ang sinasabing new normal sa fitness industry habang wala pang natutuklasang gamot o bakuna laban sa COVID-19.