PINAS News Team
INAPRUBAHAN ng Cambodian Government ang hiling ng Garment Manufacturers Association in Cambodia (GMAC) na gagawa ang mga garment factories ng lahat ng klase ng masks, medical equipments at protective clothing para i-export at i-konsumo ng bansa.
Bunsod ito sa pangangailangan ng buong mundo ng mga masks, medical equipment, at mga protective clothing bilang pag-iwas laban sa impeksyon ng coronavirus Suportado naman ng gobyerno ng Cambodia ang mga garment factory ng bansa sa pagprodyus ng mga gamit-pangmedikal na ito.
Ayon kay Cambodian Ministry of Labour and Vocational Training na si Heng Sour, inaasahang babagsak sa limampu hanggang animnapung porsyento ang export ng garments at footwear sa ikalawang quarter ng taon dahil sa epekto ng pandemic.
Matatandaan na bumagsak ng walumpung porsyento ang export ng bansa nitong unang quarter ng taon nang magsimula noong Pebrero ang COVID-19 pandemic sa European Union at Estados Unidos na may pinakamalalaking market ng Cambodian garment products.
Sa kasalukuyan ay nasa mahigit 180 garment factories ang nagsuspinde ng operasyon, habang magsasara na rin ang nasa animnapu pa.
Dahil dito, nasa dalawandaang libong manggagawa ang apektado.
Ayon sa Cambodian Ministry of Industry, Science, Technology and Innovaction, ang Cambodia ang tahanan ng isanlibo at siyamnapu’t siyam na pabrika na gumagawa ng sapatos, bag at tela.