ANNA MAE ALPUERTO
KARAMIHAN sa mga kababaihan ay umaasa lamang sa mga produkto tulad ng foundation at primer upang maging maaliwalas ang mukha at maikubli ang panunuyot ng balat. Sa halip na ganito, bakit hindi subukan ang ilang simple ngunit epektibong paraan upang muling mapasigla ang iyong nanunuyong balat sa loob lamang ng 24 hours.
Kabilang sa mga dahilan ng panunuyo ng balat ay ang pagkakaroon ng unhealthy lifestyle habits at di-balanseng diyeta, labis na pagkonsumo ng alak at kakulangan ng wastong pangangalaga sa balat.
Paraan upang maibalik ang sigla sa balat
- Milk application. Ang regular na paglalagay ng gatas sa balat lalo na sa mukha ay isa sa mga epektibong paraan upang maging glowing ang ating balat.
Maglagay ng malamig na gatas sa isang mangkok at ibabad ang cotton balls, ilagay ito sa mukha magdamag saka banlawan ng malamig na tubig ang mukha.
- Maglagay ng overnight sleeping face mask. Maraming mga sleeping face mask na mabibili sa mga beauty stores. Piliin lamang ang angkop sa iyong skin type.
Linisin ang mukha ng facial cleanser at maglagay ng moisturizer; ilagay ang sleeping mask at hayaan ito ng magdamag.
- Massage with face Oil. May ibat-ibang uri ng face oil na ibinibenta sa mga beauty stores. Piliin lamang ang angkop sa uri ng iyong balat.
Maglagay ng kaunting langis sa iyong mukha at dahan-dahang i-massage sa iyong mukha upang makadaloy ng maayos ang dugo sa ating mukha. Hayaan ito sa magdamag at banlawan ng maligamgam na tubig.
- Maglagay ng rose water. Ito ay isa sa mga pangunahing sangkap na nakapagbibigay sigla sa ating balat at nakapagbabalik ng buhay sa mga nasirang cells.
Ibabad ang cotton balls sa rose water at idampi sa palibot ng mukha. Hayaan ito ng magdamag.
- Maglagay ng aloe vera gel. Inaayos nito ang natutuyo at sirang skin cells.
Kumuha ng kaunting bahagi ng aloe vera gel at dahan-dahan itong ipahid sa iyong mukha. Iwanan ang aloe vera ng magdamag at pagkagising, banlawan ng malamig na tubig ang mukha.
- Mag masahe gamit ang almond oil. Ang almond oil ay may mga sangkap na nagpapadetoxify ng ating mukha at ang regular na pagmasahe nito ay nakakatulong upang maging mas maaliwalas ang ating mukha.
Magpahid ng almond oil sa malinis na mukha at i-massage ito gamit ang mga daliri, hayaan ito ng magdamag at banlawan ng maligamgam na tubig.
- Maglagay ng eye gel. Upang maiiwasan ang mga dark circles at puffy eyes, mahalagang maglagay ng eye gel upang maiwasan ang haggard at stressed skin.
Lagyan ang palibot ng mata at hayaan ito magdamag upang maging fresh-looking ang iyong skin sa paggising.