BOBBY TORMIS
PINAPAYAGAN na ng City Government ng Baguio ang pagsasagawa ng zumba, jogging at mga running activities sa mga pampublikong lugar at maging sa Burnham Park sa ilalim ng General Community Quarantine o GCQ simula pa noong Mayo a-16.
Nilinaw ni Baguio City Mayor Benjamin B. Magalong na ang pagsasagawa ng nasabing mga health activities ay kailangang naaayon sa “new normal” at mahigpit paring ipatutupad ang pagsunod sa social distancing at ang pagsusuot ng face masks.
Inatasan din ng alkalde ang mga city managers na pagtibayin ang mga guidelines para masiguro ang kaligtasan ng mga magsasagawa ng mga health activities sa lugar para malayo sa kapahamakan na maidudulot ng COVID-19.
Pinapayagan lamang ang nasabing health activities ng mga ito mula alas singko ng umaga hanggang alas otso ng umaga mula Lunes hanggang Sabado.
Ang edad 21 pababa at edad 60 pataas ay hindi ito pinapayagan sa nasabing health activities. Pero ang mga senior citizens naman ay pinapayagan naman sa araw ng Linggo.
Kung sino man ang nais na lumahok sa nasabing mga aktibidad ay dapat na kumuha ng fitness passes mula sa City Environment and Parks Management Office (CEPMO).