POL MONTEBON
MALAKI na ang nalulugi ng sektor ng pampublikong transportasyon sa bansa, bunsod pa rin ng crisis sa COVID-19, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaya naman pabor ang ahensiya sa napipintong pagbabalik ng operasyon nito sa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Kailangan lang matiyak na maipatutupad ang limitadong pasahero upang magkakaroon ng physical distancing sa mga pampublikong sasakyan sa pagbabalik ng operasyon ng mga ito.
Ang problema lang dito, batay sa guidelines, kalahati o 50 porsiyento lamang ng orihinal na passenger capacity ng mga public utility vehicles (PUVs) ang maaari nilang isakay para maiwasan ang siksikan at posibleng hawahan ng virus.
Kaya naman ayon sa mga tsuper, lugi pa rin sila kahit na magbalik operasyon pa.
Matatandaang unang itinigil ang sektor ng transportasyon nang makapagtala ng sunud-sunod na kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, na may pinakamalaking kontribusyon ng COVID-19 cases sa buong bansa.
Bukod sa transportasyon, unti-unti ring luluwagan ang panuntunan ng ibang sektor pero susunod ito sa ipatutupad na guidelines.
Halimbawa:
-Dapat manatili sa kanilang tahanan ang mga batang may edad 0 hanggang 20 anyos, at ang mga matatandang 60 pataas.
-Pinapayagan din ang mga mall opening sa mga non-leisure na bilihin.
-Mananatili ring sarado ang mga paaralan, maging ang operasyon ng mga leisure, amusement, gaming at fitness, tourism, at malalaking partitipon.
-Papayagan din aniya ang mga non-workers na mamili ng mga bilihin at serbisyo. Bubuksan din ang mga paliparan para sa paglilipat at pag-aangkat ng mga bagay o goods.
-Maaari na ring magbukas ang public transport, pero lilimitahan ito alinsunod sa physical distancing protocols.
-Aalisin din ang curfew para sa mga manggagawa at maaari nang lumabas ang mga nasa edad 21 hanggang 59 para magtrabaho, alinsunod sa mga patakaran ng IATF.
Kung magbubukas na ang operasyon ng ilang kompanya, kinakailangan pa rin nitong sumunod sa mga health standards na ilalatag ng gobyerno, ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua.
Maaari namang buksan nang 50 hanggang 100 porsiyento ang operations ng mga sumusunod na sector:
100 porsiyento: agriculture, fishery, forestry, food manufacturing at supply chain, food retail (supermarkets, grocery stores), mga kainan na take-out at delivery, healthcare (hospitals, drug stores), logistics, water at energy firms, internet service providers, telecommunications at media;
50 porsiyento: manufacturing, electronics and exports, e-commerce at delivery para sa essential at non-essential items, repair at maintenance services, housing at office services;
50 porsiyento on-site, 50 porsiyento “work from home”: financial services, business process outsourcing, ibang non-leisure wholesale at retail trade, at iba pang non-leisure services;
Umpisa palang, marami nang kaso ng mga tsuper ng jeep, tricycle a taxi ang sumugal at pumasada pa rin sa kabila ng pagbabawal dahil wala umano silang pagkukuhanan ng pagkain sa araw-araw.
Sa ngayon, gaano man kahanda ang mga apektadong sektor dulot ng coronavirus disease 2019, maghihintay pa sila sa desisyon ng pamahalaan sa ilalim ng pangangasiwa ng Interagency Task Force.