NI: MARILETH ANTIOLA
NAKAUGALIAN na ng marami sa ating mga Pilipino ang pagkain ng gulay pati na ang mga madulas na uri at mga talbos na luntian.
Ang pagkain din ng gulay ay isa sa mga sikreto ng malusog at mahabang buhay.
Bukod sa higit na mura ang mga gulay at talbos na madulas, masarap, masustansya ay mayaman rin ang mga ito sa fiber at maraming benepisyong dulot sa katawan.
Narito and ilang mga benepisyo na makukuha sa pagkain ng ganitong uri ng mga gulay at talbos:
Okra, ‘hindi ka maloloka’
Ang okra ang isa sa mga gulay sa grupong ito na madalas inaayawan at nilalayuan hindi lamang ng mga kabataan kundi ng ilang hindi malunok-lunok ito. Ngunit lingid sa kanilang kaalaman, maraming mabuting dulot sa katawan ang pagkain nito.
Ang okra, bilang halamang gamot at pagkain ay nagdudulot ng mga sumusunod:
- DAHON — pwedeng dikdikin ang mga dahon ng okra at gamiting pantapal sa sugat. Kung ilalalaga naman ito, maaari itong inumin na parang tsaa.
- BUNGA — karaniwang nilalaga rin ang bunga ng okra at pinaiinom sa may sakit upang guminhawa ang kaniyang pakiramdam. At dahil malapot ang katas ng bunga ng okra, mabisa rin ito para sa ilang mga kondisyon ng katawan.
- BUTO — dinidikdik madalas ang buto nito at inihahalo sa gatas o anumang gusto inumin ng may sakit at pwede rin na ipampahid sa sakit sa balat.
- UGAT — maari rin itong dikdikin at ipangtapal sa ilang kondisyon sa katawan. Karaniwan din na nilalaga ang ugat ng okra upang inumin o ipangbuhos sa ilang sakit o kondisyon sa katawan.
Saluyot, hindi salot!
Marami ang hindi nakakakilala sa gulay na ito, ngunit lingid sa kanila, ang saluyot ay napakaraming benepisyong naidudulot sa ating katawan.
Ito ay karaniwang nakikita lamang sa ating mga bakuran o kaya sa mga bukirin at maari ring itanim kung gugustuhin. Higit sa lahat, hindi ito kailangang alagaan at kusa itong dumarami.
Narito ang mga bitaminang taglay ng dahon at bunga ng saluyot:
- Nagsisilbi tong gamot sa pananakit ng tiyan, ulo at iba’t-ibang pananakit ng katawan.
- Nakakatulong ito sa mga taong nakakaranas ng constipation o hirap sa pagdumi at sa mga may ulcer.
- Ang dahon ng saluyot ay mayaman sa fiber na maaring makatulong sa pagpapababa ng blood pressure, cholesterol at mainam sa mga may mga sakit sa puso.
- Mayaman din sa Vitamin A ang saluyot na nakakatulong sa ating mga mata.
- Maari rin itong kainin ng mga buntis at bagong panganak dahil nagtataglay ito ng sapat na sustansya upang magkaroon ang ina ng masaganang gatas.
- Nakakatulong din ito sa pagpapaganda ng balat dahil ito ay mayaman sa Vitamin E.
Sa lahat ng mga kinakain natin, gulay lamang ang masasabing pwedeng kainin nang walang limitasyon.
Mura na, masarap, at masustansya pa! Kaya ano pang hinihintay mo? Kumain na ng madudulas na gulay upang buhay ay maging makulay at katawan ay lalong mabuhay.