MELROSE MANUEL
POSIBLENG ipatupad muli ang mahigpit na quarantine protocols sakaling magkaroon ng biglaang pagsirit sa bilang ng kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mga susunod na araw.
Ito ang naging babala ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kasunod ito ng pagdagsa ng mga tao sa malls sa unang araw ng pag-iral ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila.
Ayon kay Vergeire, ipinatutupad ang modified ECQ bilang transition phase para sa unti-unting pagluwag ng community quarantine hanggang sa tinatawag na “new normal”.
Kasabay nito, pinaalalahanan ni Vergeire ang publiko na nananatili pa ring nasa ilalim ng quarantine ang buong bansa at may responsibilidad at obligasyon na kailangang gampanan para makatulong na mapigilan ang lalong pagkalat ng COVID-19 sa bansa.