JAO DAYANDANTE
SINABI ni Senator Cynthia Villar na dapat makonsidera rin ang pagkakaroon ng mas malinis na kapaligiran bilang bagong ‘normal’ pagkatapos ng ECQ.
Aniya hindi lang dapat magtuon sa pansariling kalinisan dahil malaki rin ang ginagampanang tungkulin ng kapaligiran para malabanan ang pagkalat ng COVID-19.
Giit pa nito na dapat mapanatili ang patuloy na pagbuti ng kalidad ng hangin sa Metro Manila dahil sa mababang porsyento ng vehicle emission at paggalaw ng tao.
Bago kasi maipatupad ang ECQ, nasa ika-57 puwesto ang Pilipinas mula sa 98 bansa sa buong mundo na may pinakamaruming hangin.
Pagbabahagi pa ng senadora na marami sa mga eskperto ngayon ang nangangamba sa sitwasyon ng hangin sa bansa sakaling matapos na ang ECQ sa Mayo a-kinse.
Kasunod nito, nais ipa-review ni Villar ang implementasyon ng Clean Air Law o ang Republic Act 8749 na layong pangalagaan ang hangin sa buong sa bansa.