NI: STEPHANIE MACAYAN
ANG parating pagpapalipas ng gutom ay malaki ang epekto sa katawan, dahil pangunahing pinagkukunan ng lakas ng ating katawan ay ang pagkain. Madalas itong ginagawa ng mga taong gusto magbawas ng timbang, ngunit mayroon din namang nakakaligtaan lamang ang pagkain sa tamang oras.
May ilan na sinasagawa ang pagpapalipas ng gutom o fasting dahil sa kultura o relihiyon, tulad ng mga Muslim. Isinasagawa nila ang fasting sa tuwing Ramadan. Ang mga ganitong fasting ay mayroon din ang mga Katoliko na tinatawag nilang Kwaresma o Lenten season. Gayun din ang mga Budhista, sila ay nagpapalipas ng gutom dahil sa naniniwala sila na mararating nila ang walang hanggang kapanatagan.
Ngunit alam mo bang malaki ang naidudulot nito sa katawan lalo na para sa mga taong sinasadyang huwag kumain para lang magkaroon ng ‘body goals’?
Walang masama ang pagpapalipas ng gutom kung tama ang proseso nito, dahil ayon sa mga eksperto walang masamang maidudulot ito kung ito ay naisasagawa ng maayos at makakabuti rin ito sa kalusugan.
Ano nga ba ang masamang epekto nito sa ating katawan?
Para tayo ay mabuhay at makaraos sa isang araw, pagkain ang pangunahing kailangan. Dahil ang katawan ay nangangailangan ng nutrisyon at sustansya upang maayos ang function ng ating katawan. Dahil ito rin ang pinagkukunan ng ating enerhiya, kung ito ay aalisin o babawasan ang pagkain na tinatanggap ng katawan sa pang araw-araw ay maaaring mawalan ito ng pagkukunan para lamang mapanatili ang lakas.
Ang pangunahing kailangan ng ating katawan na mula sa pagkain ay ang glucose o asukal na nakakapagpabuti ng atay at kalamnan.
Mabilis nitong naipo-proseso ng katawan at ginagamit ng ating enerhiya. Ngunit, kapag ang asukal ay naubos, sunod na pagkukuhaan ng ating lakas ay ang nakaimbak na taba. Ito rin ang dahilan ng pagkabawas ng timbang.
Maraming paraan ang ating katawan upang makakuha ng enerhiya tulad ng pagkuha nito ng protina sa katawan ngunit ang patuloy na ganitong gawain ay tunay na makakasama sa ating kalusugan dahil inuubos nito ang mahahalagang nutrisyon na mayroon tayo.
MGA DAPAT IWASAN KUNG NALIPASAN NG GUTOM
May mga pagkain na dapat iwasan kung walang laman ang tiyan. Iwasang uminom ng orange juice na may makukuhang maraming healthy benefits at vitamins dahil ito ay mataas sa malic acid at citric acid, kapag ito ay ininom ng walang laman ang tiyan maaaring magasgas ang lining ng bituka. May natural digestive acid ang tiyan, pero maaaring ma-trigger ang hydrochloric acid na sosobra sa kailangang function ng acid sa sikmura.
Dito nakukuha ang mga sakit na ulcer, heartburn, sakit sa tiyan, Irritable Bowel Syndrome (IBS) at mas maraming sakit pa ang maaaring makuha.
Iwasan din ang madalas na pag-inom ng kape. Ito ay nagpo-produce ng hydrochloric acid sa sikmura. Dahil kapag ang tiyan ay walang laman, walang tutunawin ang acid na nakakasira ng lining na pinagmumulan din ng IBS, heartburn, indigestion, panic attack, nagpapataas ng blood pressure, nagpapabilis ng pulso, at nagpapabago ng mood swings.
Kaya naman kung mahina ang sikmura iwasan ang mga ito ng walang laman ang sikmura. Kung iinom naman ng kape, siguraduhing kumain muna ng tama at maglagay ng gatas o cream sa isang tasang kape.