TERRIJANE BUMANLAG
AYON sa pag-aaral ang pagkakaroon ng superiority complex o mataas na tingin sa sarili ay nagsisimula sa edad na 12 pataas. Sila ay nagpapanggap na superior o nakatataas dahil pinagtatakpan nila ang katotohanan na sila ay mahina at walang tiwala sa sarili.
Ang mga may superiority complex ay mapanghusga sa iba. Nagpapamalas sila ng sumusunod na mga katangian:
Una, nagiging mabuti lamang ang kanilang pakiramdam sa sarili kung sila ay inaaprubahan ng ibang tao. Ayon kay Myles Scott, dating at transformation coach, ang paghahanap ng atensyon at kasiguraduhan mula sa ibang tao ay para punan ang kakulangan sa kanilang kalooban. Gayunpaman ang papuri ng iba ay hindi nagtatagal kaya hindi rin sila nagiging masaya.
Pangalawa, mahirap para sa kanila na tanggapin na sila ang may kasalanan o may problema. Ang mga taong mataas ang tingin sa kanilang sarili ay hindi aaminin ang kanilang kamalian dahil labag ito sa pagkatao na kanilang ipinapakita. Ani Scott hindi sila masaya at kuntento sa kung sino talaga sila kaya nagtatago sila sa isang bersyon ng kanilang sarili na akala nila ay gusto ng ibang tao. Hindi nila maamin na sila’y nagkamali at di matanggap na sila ay hindi perpekto.
Pangatlo, palagi nilang kinukumpara ang kanilang sarili sa iba. Dahil nakabase sa iba ang pagpapahalaga sa kanilang sarili nakasanayan na nilang ikumpara ang sarili sa ibang taong nakapaligid sa kanila. Pahayag ni Scott ang kanilang subconscious ay nagsasabi na hindi sila sapat o laging mayroong kulang.
Ika-apat, sila ay moody, dahil dalawa ang kanilang personalidad madalas silang pabago bago ng mood. Ayon kay Adina Mahalli, certified mental health professional ng Maple Holistics, mula sa pakiramdam na sila ay inferior, nakukumbinsi nila ang kanilang sarili na sila ay superior. Dahil sa katangian na yan hindi mo alam kung kailan sila nasa kundisyon base sa nararamdaman nila sa kanilang mga sarili.
Ika-lima palaging sila ang bida at nagmamagaling. May paniniwala sila na sila ay mas magaling at epektibo kaysa sa iba. Halimbawa ang kanyang katrabaho ay may magandang presentasyon, sasabihin ng taong may superiority complex na mabuti ang ginawa ng kanyang katrabaho pero mas nakinig, nagustuhan ng mga tao ang kanyang ginawang presentasyon.
Sa pag-aaral ni Dr. Cali Estes, founder ng Addictions Academy, ang mga taong may superiority complex ay mapang-angkin, naniniwala sila na ang ibang tao ay mababa sa kanila, mapa pinansyal, ekonomikal, sosyal, kahit sa katalinuhan.
Paano alisin sa iyong sistema ang ganitong ugali?
Una sa lahat kilalanin mo ang iyong sarili na ikaw ay mapagmataas at sobrang bilib sa sarili. Itigil ang pagiging arogante at mapagmata sa ibang tao. Magkaroon ng kunsiderasyon sa damdamin ng iba. Itatak sa isip na hindi ka perpekto at ikaw ay nagkakamali rin, huwag maging mayabang sa kung anong meron ka at sumabat sa usapan ng iba dahil sa tingin mo ay mas mahalaga ang iyong sasabihin. Hindi madaling magbago pero kung hindi mo ito kayang gawin mag-isa maari kang humingi ng tulong sa isang psychiatrist.