CLAIRE HECITA
DAHIL sa mga ipinatutupad na restrictions sa tao bilang paraan para maiwasan at malabanan ang coronavirus, naging dahilan ito para mabigyang-daan na maka-rekober ang wildlife sa buong mundo. Kabilang na sa mga nagtamasa sa itinuring na ‘golden year’ na ito para sa inang kalikasan, ang mga marine parks sa bansang Thailand.
Itinuring na golden year para sa pagliligtas sa kalikasan ang taong 2020 sa kabila ng matinding kalamidad na nangyari ngayong taon sa buong mundo dulot ng coronavirus pandemic.
Sa facebook post ni Thon Thamrongnawasawat, isang kilalang marine scientist, sinabi nitong isang ‘golden year’ ang 2020 dahil nakarekober ang malaking bahagi ng marine ecosystem mula sa pagkasira dahil sa labis na turismo.
Ito’y matapos pinagbabawalan ang publiko sa normal na aktibidad ng mga ito bilang pag-iwas sa nakamamatay na virus.
Ayon sa survey sa mga nakalipas na taon, ang mga coral sa kahabaan ng baybayin ng bansa ay nakitaan ng matinding bleaching.
Ngunit ngayong taon, bumuti na ang kulay ng mga bahura o corals na tanda ng unti-unting paggaling mula sa bleaching.
Isa rin sa mabuting palatandaan na sinabi ng marine scientist ang bumabang temperatura ng dagat na mula sa 30.5 degrees celsius, bumaba na ito kasabay ng pagdating ng tag-ulan.
Naniniwala si Mr. Thon na ang kawalan ng turista mula sa mga marine parks at ang pagbaba ng lebel ng bleaching sa mga baybayin ay malaking tulong para sa pagpapanumbalik sa marine resources ng bansa.
Inihayag naman ng mga opisyal sa marine parks sa Thailand na dahil sa kawalan ng mga tao, marami ang di pangkaraniwang marine animals ang makikita malapit sa isla at mga baybayin ng bansa katulad ng black tip reef sharks at marami pang iba. Bukod sa mga marine parks, nanatili pa ring nakasara ngayon ang lahat ng parks sa buong bansa ayon na rin sa deklarasyon ng Department of National Parks, Wildlife and Plant Conservation.