Ni: Jonnalyn Cortez
BUKOD sa masarap na meryenda, almusal o kahit pa pantawid gutom, maraming magandang dulot ang saging na saba sa katawan.
Puno ang saging na saba ng nutrients katulad ng vitamin B6, vitamin C, manganese, protein, fiber, potassium, iron, vitamin A at marami pang iba.
Maaaring kainin ang naturang prutas ng hilaw o luto, at marami ring putahe ang pwedeng paggamitan nito. Bukod sa pwedeng ipangsahog sa ulam, pwede ring gawing banana cue, turon, banana chips at marami pang iba.
Nakakatulong din ang saging na saba upang pabutihin ang iyong pantunaw, pababain ang blood pressure, i-regulate ang blood circulation, palakasin ang immune system at tulungan ang metabolic process.
Bukod sa maraming health benefits, maaari ring maging lunas sa ilang sakit ang pagkain ng prutas na ito.
Ayon kay Doc Willie Ong, maganda ang saging na saba para sa mga taong may ulcer at nangangasim ang tiyan. Ang taglay nitong antacid na tinatawag na phospholid at flavonoid ay tumutulong upang tapalan ang mga sugat sa iyong tiyan.
Mabuti rin ang saging na saba sa puso dahil sa mataas na potassium at bitamina. Maaaring kumain ng hanggang dalawang saba araw-araw, kasabay ng mga gamot para sa altapresyon.
Mataas din sa fiber ang saging na saba, kaya’t mabuti sa colon. Maaari ring gawing panlaban sa colon cancer at iba pang sakit sa bituka.
Pwede ring panlaban sa stress at pang-relax ang saging na saba dahil sa dala nitong tryptophan, na uri ng kemikal na nagpapasaya at nagpapaganda ng emosyon.
Isang pagsusuri naman ang nagsasabing ang pagpapakain ng saging na saba sa mga bata o sanggol ng madalas ay nakakatulong upang hindi sila hikain. Kahit hindi pa napapatunayan kung mabisa nga ito, marami naman ang mga naniniwala rito.
Panghuli, maganda ring kumain ng saging na saba ang mga mahilig mag-gym at mag-exercise upang hindi bumaba ang kanilang potassium level. Kumain lamang ng dalawa tuwing mag-eehersisyo upang panatilihin ang lebel ng iyong potassium.
Photo caption: Bukod sa masarap na meryenda, marami ring magandang dulot at pwede ka pang iiwas sa sakit ng saging na saba. (Photo from Wikimedia Commons)