CRESILYN CATARONG
PATULOY at mahigpit na minomonitor ng Philippine National Police (PNP) ang mga mall maging ang mga establisamyento sa loob nito upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Nagsagawa ng pagpupulong ang Philippine National Police (PNP)-Joint Task Force COVID-shield sa mga security manager ng malls upang maipabatid ang mga probisyon base sa guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Sa Laging Handa publicĀ briefing, sinabi ni JTF COVID Shield Commander Plt. Gen. Guillermo Eleazar na patuloy na minomonitor ng mga pulis, hindi lamang ang mga malls kundi pati na rin ang mga establisamyento kasabay ng pagtatalaga ng kapulisan sa shopping malls upang matiyak ang social distancing.
Pinayuhan naman ni Eleazar ang mall marshals na i-check ang mga sasakyan na pumapasok sa parking area na kung nasusunod ba talaga ang anti COVID-19 protocols.
Giit ni Eleazar, hindi dapat mahayaang ang mall ang magiging ground zero ng second wave ng impeksyon kung kaya napakahalaga na sundin ng mga mall management at ng mga tao ang safety measures gaya ng social distancing at pagsusuot ng facemask.
Muling pinaalalahanan ni Eleazar ang publiko na kahit nasa ilalim na ang Metro Manila sa Modified Enhanced Community Quarantine, ay isang tao lamang bawat pamilya ang pinapayagan na lumabas para sa importanteng lakad.