NAGKAROON ng hindi pagkakaunawaan ang Premier ng Ontario at ang Mayor ng Ottawa sa Canda dahil sa ipinatupad na pagbabawal sa window visitations sa mga Long-Term Care Homes sa Ottawa.
Kasabay ng anunsyong muling pagbubukas ng ekonomiya ng Ontario, ipinakilala naman ang mga bagong batas para matiyak ang kaligtasan sa pagsasagawa nito. Ngunit naging mitsa naman ito sa hindi pagkakaunawaan ng iilang opisyal ng gobyerno.
Kasabay ng nakatakdang pagbubukas ng ekonomiya ng Ontario sa susunod na dalawang linggo, ipinakilala naman ang animnapung bagong batas na kailangang sundin sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Premier Doug Ford, itinakda ang mga bagong batas para mapanatili ang kaligtasan ng mga manggagawa at mga business owners o operators.
Ikinagulat naman ni Premier Ford ang anunsyo ni Ottawa City Mayor Jim Watson nang ipinagbabawal nito ang window visitation sa mga Long-Term Care Homes sa syudad.
Paliwanag ni Mayor Watson, ang gagawing paghihigpit at paglimita sa mga pagbisita sa mga pasilidad ay para maprotektahan ang mga vulnerable patients sa mga Long-Term Care Homes.
Ngunit ikinagalit naman ng alkalde ang pagpuslit ng ilang kapamilya para mabisita ang kanilang mga pasyente.
Kaugnay nito, binatikos ni Premier Ford ang hakbang na ito ng Ottawa Mayor dahil lalo lamang aniyang pupuslit ang pamilya ng mga pasyente na mas delikado aniya dahil hindi ang mga ito dadaan sa screening.
Iginiit naman ni Mayor Watson na kasalukuyan nang pinagpaplanuhan ng Ottawa Public Health ang bagong batas na ipatutupad sa mga Long-Term Care Homes ngunt habang wala pa ito ay mananatili munang ipagbabawal ang mga pagbisita sa mga pasilidad.
Sa ngayon ay wala pang itinakdang araw kung kailan epektibo ang mga bagong batas. Gayunman tiniyak ng mga opisyal na makatutulong ito para maibalik sa normal ang pamumuhay sa buong probinsya.