ANA PAULA CANUA
MADALAS ninanais natin na sana mahaba ang ating buhok upang bumagay ito sa maraming hairstyle na ating nakikita sa mga paborito nating artista o K-Pop idol. Kaya naman imbes na mainip at mangarap na lamang, narito ang ilang tips upang mabilis na mapahaba ang buhok habang napapanatili ang sigla nito.
Ang ating buhok ay may tatlong phases, anagen kung saan tumutubo ang buhok. Catagen o mabagal na paghaba at telogen o ang pagtigil at kadalasang hairfall stage ng buhok.
1 Kumain ng mga pagkaing mayaman sa protina gaya ng manok, itlog, at yogurt. Ang hairfall ay kadalasang senyales ng kakulangan sa protina sa katawan.
2 Pataasin ang iron at zinc intake. Ang spinach, beans at seafoods ay mayaman sa zinc, may kakayahan ang mga itong patibayin ang inyong buhok upang makaiwas sa split ends at breakage ng hibla.
3 Kumain ng mga mayaman sa biotin gaya ng itlog, keso, mushrooms, almonds at cauliflower, ito ay nagbibigay sigla at moisture sa buhok. Mainam din ang mga pagkaing mayaman sa vitamin B — isda, karne, dairy products, madadahon na gulay, cereals, peas at beans — na nagbibigay ng kintab at buhay sa ating buhok.
4 I-trim ang buhok, mukha mang kabaligtaran, ang pag-trim ng mga dulo ng buhok ay nakakatulong para mawala ang split ends na nagiging dahilan ng pagkakabuhul-buhol ng hibla ng buhok at buhaghag na itsura nito.
5 Gumamit ng seda o silk na pillow case. Ang friction sa buhok at cotton na punda ay nagiging dahilan kung bakit paggising ninyo ay maraming hairfall sa inyong higaan.
6 Iwasan na ibalot ang buhok sa tuwalya, nagdadahilan din ito ng matinding friction sa buhok. Maingat na pigain na lamang ang buhok gamit ang kamay.
7 Iwasang mag-shampoo araw-araw. Nawawala ang natural oils ng buhok kaya ito madaling maging dry at bumuhaghag. Sa halip tiyakin na araw-araw na mag conditioner, mag shampoo lamang every other day maliban na lamang kung madalas lumabas at nae-expose sa init at alikabok sa daan.
8 Iwasan ang paggamit ng hot water sa anit, tinatanggal nito ang natural oils at dahilan din ng pagkapanot. Samantalang ang cold water ay pinapanatiling tight ang hair follicles kaya maiiwasan ang hairfall.
9 Gamit ang dulo ng mga daliri, imasahe ang anit, gawin ito sa paikot na mosyon. Mainam na gawin ito bago matulog ay kapag tuyo na ang buhok matapos maligo at mag shampoo.