EVA MONTERO
SUMAILALIM ang mga pulis na nagbabantay sa New Bilibid Prison (NBP) sa COVID-19 rapid test kung saan may ilan sa kanila ay nagpositibo. Hakbang ito ng NCRPO upang mapigilan ang paglaganap ng virus lalo na sa mga inmates.
Sumailalim sa COVID-19 rapid test ang mga pulis na nilagay bilang karagdagang bantay sa NBP sa Muntinlupa City nitong weekend.
Sa pahayag, sinabi ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Chief, Maj. Gen. Debold Sinas na 131 personnel mula sa Regional Mobile Force Battalion, 71 personnel mula sa Special Action Force ang mga sinuri.
Sa mga nasuri, apat na personahe mula sa RMFB habang isa naman mula sa SAF ang nagpositibo.
Agad namang inabisuhan makipag-ugnayan sa NCRPO health service at kasalukuyang nasa NCRPO quarantine facility.
Sumailalim din sa pagsusuri ang 313 personnel mula sa Bureau of Corrections kung saan tatlumpu’t dalawa dito ay IgG o IgM positive.
Ang nasabing hakbang ng NCRPO ay upang matiyak na ligtas sa virus ang mga pulis na nakaduty at hindi ito lumaganap pa lalo na sa mga inmates.