NI: JOMAR SAN ANTONIO
HINDI maiiwasan ang pagtanda. Kahit na 20%-30% na mas makapal ang mukha ng lalaki, nandiyan pa rin ang pagkakaroon ng wrinkles at kung anu-ano pang linya sa mukha na talagang nagpapatunay na ume-edad na ang dating batang-batang kutis. Narito ang ilang natural na paraan upang maagapan ang mabilis na pagtanda:
- Kumain ng prutas at gulay at uminom ng maraming tubig
- Mahalaga na laging hydrated ang katawan at may sapat na vitamins upang magkaroon ng magandang kutis.
- Nasa proper diet yan
- Kung ang diet mo ay lubhang mataba, maalat o kaya ay matamis, simulan mo na itong palitan dahil ang mga pagkaing ito ay may mga kemikal na kumukontra sa natural na produksyon ng collagen at elastin na siyang nagbibigay ng malusog na balat.
- Mag-ehersiyo at umiwas sa stress
- Ang natural na pagpapawis ay maganda sa katawan dahil nakakatulong ito sa pagdaloy ng dugo sa ugat lalo na sa balat sa mukha. Ang stress naman ang numero unong dahilan kung bakit maagang tumanda kaya ugaliing iwasan ito sa pagkakaroon ng hobby o meditation.
- Matulog ng may sapat na oras
- Sa pagtulog, nanunumbalik ang nawalang lakas at naisasaayos ang mga nasirang cells sa katawan. Mapapansin na ang pagpupuyat ay nagreresulta sa hindi magandang kutis.
- Umiwas sa sobrang sikat ng araw
- Mainam sa balat ang vitamin D sa umaga mula sa araw ngunit ang direktang sikat nito lalo na sa tanghali ay may mga nakapipinsalang UV rays na siyang nagreresulta sa pagkasira ng balat.
- Huwag manigarilyo at uminom ng sobrang alcohol
- Gaya ng ibang pagkain, may kemikal sa sigarilyo at alak na nagpapabagal sa produksyon ng elastin at collagen na kailangan ng balat. Dagdag pa rito, nagkakaroon din ng ibang kulay ang balat sa paggamit ng mga ito.
- Maghilamos araw-araw at mag-exfoliate
- Malaking bagay ang pamalagiing malinis ang mukha dahil sa paghihilamos. Nakakatulong naman ang exfoliation upang matanggal ang mga dead skin sa mukha , maaaring gumamit ng natural na paraan gaya ng egg white o mga nabibili sa merkado para dito.
- Gumamit ng moisturizer o mga cream na may retinol
- Maaaring gumamit ng mga natural na moisturizer o mga creams na may retinol dahil napatunayan na ang sangkap na ito ang siyang pumipigil sa pagtanda ng balat.
- Laging ngumiti
- Hindi ang ating pagngiti ang dapat sisihin sa pagkakaroon ng wrinkles dahil ang kawalan ng skin elasticity ang tunay na dahilan. Bagkus, ang pagngiti ay nagbubunga ng happy hormones na nakatutulong sa pag-iwas sa stress.
Sundin lamang ang mga ito at tiyak na mapapansin mo ang pagbabago sa kutis ng iyong mukha laban sa wrinkles.