NI: CRESILYN CATARONG
ISASAILALIM na sa General Community Quarantine o GCQ ang National Capital Region (NCR) simula Hunyo a-uno hanggang Hunyo a kinse.
Ito ang inanunsyo ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa kanyang televised public address kagabi matapos aprubahan ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na luwagan ang quarantine restrictions sa NCR na siyang itinuturing na “high-to-moderate-risk area” ng COVID-19.
Ang naturang hakbang ay upang muling pasiglahin ang ekonomiya at matulungan ang mga manggagawang Pinoy sa gitna ng kinakaharap na krisis sa COVID-19.
Sa mas pinaluwag na quarantine measures, ang mga barangay na itinuturing na “high risk” bunsod ng naka-aalarmang bilang ng kaso ng COVID-19 ay ipasasailalim sa zoning na iimplementa ng national task force on COVID-19.
Maliban sa NCR, mapapasailalim din sa GCQ sa loob ng labing limang araw, mula June 1 hanggang June 15 ang Region 2 o Cagayan Valley, Region 3 o Central Luzon, Pangasinan, Region 4-A o Calabarzon, Albay, at Davao City.
Samantala, ang iba pang lugar sa bansa na hindi nabanggit ay mapasasailalim sa Modified General Community Quarantine.