HANNAH JANE SANCHO
SUMAGOT na ang National Telecommunications Commission (NTC) sa show cause order na ipinag-utos ng Kamara kaugnay sa pagpapasara sa ABS-CBN.
Ayon sa NTC ay sinunod lamang nito ang payo ng Office of the Solicitor General (OSG).
Sa isang pahayag na ipinadala sa Kongreso ay nagpaliwanag ang NTC sa biglaan nitong pag-isyu ng cease and desist order (CDO) noong May 5, 2020 laban sa ABS-CBN Corporation.
Sa reply letter ng NTC na may petsang May 12, 2020, nilinaw nito ang nauna nitong binitawang pahayag sa hearing ng Committee on Legislative Franchises noong March 10 na magbibigay ito ng Provisional Authority (PA) sa ABS-CBN.
Nilinaw din ng NTC na hindi nila intensyon na insultuhin ang Kamara sa kanilang desisyon subalit sila ay naatasan na ipatupad ang batas at ipataw ang CDO.
Sinabi rin ng NTC na nagkaroon sila ng konsultasyon mula sa mga legal luminaries kasama na ang mga dating mahistrado ng Supreme Court, stakeholders at concerned sectors sa basehan ng paggawad ng PA batay sa mga umiiral na batas.
Dagdag din ng komisyon na kinonsidera rin nila ang babala ng Office of the Solicitor General o OSG na mahaharap ang mga opisyal nito sa criminal prosecution kung gagawaran ng PA ang broadcast network.
Aniya, sumunod lamang sila sa komento na sinubmit ni Solicitor General Jose Calida na nakapaloob doon sa petisyon na nakapending ngayon sa Supreme Court na ang legal opinion ng Department of Justice (DOJ), at ang posisyon ng Senado at Kamara na gawaran ng PA ang ABS-CBN ay paglabag sa konstitusyon bilang ang OSG ang “statutory counsel” ng NTC.
Sa huli, humingi ng tawad ang NTC kung walang abiso at nabigla ang Kongreso sa kanilang desisyon laban sa ABS-CBN.