MJ MONDEJAR
INAASAHAN na madadagdagan pa ang kapasidad ng Philippine Red Cross (PRC) na makapagsagawa ng COVID-19 tests matapos tumanggap ito ng P15-M halaga ng PCR Machine mula sa Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII).
Matagumpay ang turn-over ceremony sa pagitan ng FFCCCII at PRC para sa karagdagang apat na PCR testing machines.
Ang lahat ng mga bagong kagamitan ay brand new at tinatayang nagkakahalaga ng P15-M ayon sa FFCCCII.
Sinabi naman ni PRC Chairman Richard Gordon, na malaking tulong ang apat na PCR machines para madagdagan ang testing capacity ng bansa para malabanan ang COVID-19.
Aniya, importante ang tulungan ng pribadong sektor at ng mga non-government organizations ngayong patuloy ang pagtaas ng COVID-19 cases at ang mass testing aniya ang susi dito.
Sa panig naman ng FFCCCII, kailangan magtulungan ang lahat para magtagumpay laban sa nakamamatay na sakit.
Nag-ikot naman ang mga Filipino Chinese delegates sa PRC lab kasama si Senator Gordon.
Ayon sa senador, matagal nang tumutulong ang FFCCCII sa panahon ng emergency tulad ng bagyo at sakuna.