CRESILYN CATARONG
NAG-ALOK ng P30,000 reward money si Pangulong Rodrigo R. Duterte sa sinumang makapagsusumbong laban sa tiwaling mga opisyal ng lokal na pamahalaan na binubulsa ang ayuda na para sa mga mahihirap.
Ito ang inanunsyo ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque at sinabing huwag mag-atubiling tumawag ang mga ito sa hotline number na 8888.
Dagdag pa ni Roque, ang naturang pabuya ay ipagkakaloob kapag napatunayan ang reklamo sa korapsyon laban sa local officials.
Inihayag ng palace spokesman na alinsunod ito sa ‘zero tolerance’ ni Pangulong Duterte kontra korapsyon lalo na sa mga opisyal ng pamahalaan na kinukurakot ang financial assistance na nakalaan para sa mga maralitang Pilipino.
Matatandaang inaresto ng mga pulis ang isang barangay kagawad na nagngangalang Danilo Flores sa Hagonoy, Bulacan matapos ireklamo sa pagkuha ng mahigit sa kalahati ng P6,500 cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.
Nakunan ng video si Flores na sinasabihan ang mga tumatanggap ng SAP financial assistance na P3,000 lang ang makukuha nila dahil ang P3,500 ay mapupunta umano sa mayor para ibigay sa mga hindi makatatanggap ng ayuda.