NI: CRYSALIE ANN MONTALBO
MADALAS, hindi maiiwasan ang galit o tampo na iyong iniinda hindi lamang sa iyong kasintahan kundi pati na rin sa iyong kapatid, kaibigan, o maging sa mga magulang mo. Mahirap dahil dumadating ang pagkakataon na hindi mo mapigilang mangyari ang mga bagay na inaakala mong imposible at tuluyang bumuo ng galit at sama ng loob sa iyong puso. Ngunit bilang isang tao, kailangan mong matutunan ang maging mapagpalaya sa iyong emosyon at magmuni-muni sa mga maaaring mangyari kung sakaling hindi mo rin matiis na matapos na ito. Narito ang iilang mga tips na pwedeng maging gabay sa iyo.
1 Pagpapatawad
Marahil ay ito na ang isa sa mga pinakamahirap na aspeto na kailangan mong isaloob lagi, para na rin sa iyong emosyonal na kalusugan. Kinakailangan ang pagpapatawad sa pagitan ng isang relasyon. Sa pagpapatawad, natutulungan ka nitong makawala sa galit na iyong nararamdaman sa kapwa. Hindi mo kailangang magpatinag sa nag-aapoy na emosyon. Bagkus, subukan mong intindihin ang mga bagay o rason sa likod ng iyong galit. Tignan at linawing mabuti ang opinyon ng dalawang kampo. Isang simbolo ng pagmamahal at pagiging mabuti ang pag-iintindi sa kapwa.
2 Pagbabago ng ugali
Sa halip na palalain ang sitwasyon sa pagitan ng taong nakasamaan mo ng loob, subukang baguhin ang pananaw ukol sa isang isyu. Pwede kang maging positibo sa paghahanap ng solusyon sa iyong problema o kaya nama’y subukan maging kalmado. Huwag na huwag mong iisipin na ang iyong kaharap ay iyong kaaway kundi isang malapit sa iyong puso. Mahirap kontrolin ang galit ngunit walang mawawala sa pakikitungo nang maayos, at paminsan sa ayaw mo at sa hindi may taong magpapasulak ng iyong galit, sa bahay man o sa trabaho. Kaya makabubuti na makasanayan mong i-deflect o pahupain ang iyong galit. Mahirap sa umpisa ngunit mabuting subukan hanggang sa ito ay iyong makasanayan.
3 Huwag lamang sa sarili tumutok
Upang mawala ang sakit at galit na nararamdaman mo sa isang tao, ituon mo rin ang iyong atensyon sa kaniya. Sa pagkakataong iyon ay isipin mong hindi lang ang iyong kaisipan at nararamdaman ang nasasangkot sa usapin. Alamin ring mabuti ang mga bagay na nakakaapekto rin sa kanila dahil kailangan mong pakatandaan na hindi lang sa iyo umiikot ang mga problemang ito. Ika nga, lahat ng bagay at problema maging sa kapwa ay may kaakibat na dahilan at may pinag-uugatan.
4 Pagpapahalaga
Laging pakakatandaan na nangingibabaw pa rin ang kahalagahan ng tao kaya alam nating kakayanin natin ang anumang galit o sama ng loob at malalagpasan ito para sa ating mga mahal sa buhay. Hindi mahihigitan ng ating nararamdaman ang mga taong bumubuo sa araw natin.