Ni: STEPHANIE MACAYAN
ANG isang empleyado ay nagtatrabaho para sa kaniyang ikagiginhawa at gayon din ng mga mahal niya sa buhay. Ang iba naman ay naghahangad ng mas mataas na posisyon at sahod kaya nagsisikap upang makakuha ng promotion.
Ang hangaring umasenso sa trabaho ay natural sa lahat ng empleyado ngunit ano ba ang tama at nararapat na gawin upang mas mapadali ang promotion?
Kung ang iyong trabaho ay tulad pa rin ng dati, madali na para sa iyo na magsumikap para sa promotion. Kung sa tingin mo ikaw ay nararapat na sa mas mataas na posisyon, dapat ay palaging ipinapakita sa iyong boss na ikaw ay handa na para sa mas mabigat na responsabilidad at ang mga bagong tungkulin na kaakibat nito.
Maraming paraan upang mabilis na makakuha ng job promotion, narito ang ilang paalala na makakatulong sa iyo na makuha ang hinahangad na promotion.
Itakda at ipaalam ang iyong goals
Bago mag umpisa ang taon, ikaw ay maglaan ng oras o araw upang kausapin ang iyong boss at ipaalam sa kaniya ang iyong layunin patungkol sa iyong professional career. Ikaw ay maging bukas sa kaniya kung ano at saan mo nakikita ang iyong sarili pagkaraan ng anim na buwan o isang taon.
Ang mabuting boss ay tutulungan ka na makamit ang iyong mga layunin sa pamamagitan ng pagbigay sa iyo ng oportunidad na umunlad sa trabaho patungo sa iyong magandang hangarin.
Maging team player
Ang bawat employer ay hindi gusto na ang isang empleyado ay nakatuon sa “I” kaysa sa “We.” Ang gusto nila ay isang team player na handang tumulong sa kaniyang team, kung saan makikinabang din ang kumpanya. Ang ganitong attitude ay mahalaga at tinitignan ng employer dahil upang maging handa at epektibo sa mas mataas na tungkulin, ang empleyado ay marunong kumilos bilang miyembro ng isang team.
“Good employees volunteer their efforts before even being asked. They readily and willingly take on more tasks and responsibilities, and not just because of immediate reward,” ayon sa librong “How to be Promotable.”
Bukas ka dapat sa mga bagong kaalaman
Ipakita ang kagustuhang patuloy na mapalago ang kakayanan sa pamamagitan ng paghahanap ng oportunidad na matuto sa loob o labas ng opisina. Magpunta nang kusa sa mga conferences o magkaroon ng proyekto sa labas ng iyong departamento na hindi ka nakakasagabal sa mga nasa ibang departamento bagkus nakakatulong pa. Mahalagang malinaw ang iyong hangarin sa parteng ito.
Kinakailangan mong maipakita na ikaw ay seryoso sa iyong career na hindi naman nagsasapaw sa iyong kapwa empleyado.
Maraming paraan upang mapabilis ang promotion sa trabaho, ngunit mahalaga ring tandaan na hindi ito minamadali at pinagpupuhunan ng mahabang panahon at oras. Tandaan, ang dedikasyon sa trabaho at pakikibagay sa mga kasamahang empleyado ang tiyak na magdadala sa iyo sa posisyong hinahangad makamtan.