MELROSE MANUEL
INAASAHAN ang pagdagsa ng mahigit dalawang milyon na mananakay ng iba’t ibang pampublikong transportasyon sa Kamaynilaan pagkatapos ang enhanced community quarantine.
Sinabi ng Transportation Franchising and Regulatory Board Chairperson Martin Delgra III, dapat matiyak ang kakayahan ng transport sector para dito.
Posible rin aniyang magpalabas sila ng special permits para sa mga public utility vehicle at tutukuyin din ang rationalized routes.
Nabatid na gagawin na lamang na single route ang biyahe ng animnapu’t isa na bus routes sa EDSA sa ilalim ng GCQ upang mapapadali ang byahe, paghihintay ng mga pasahero at maresolba rin ang problema sa mabigat na daloy ng trapiko.
Sa ilalim naman ng GCQ nilinaw ni Delgra na tanging mga bus lamang na dedicated o ekslusibong bumabyahe sa EDSA ang papayagang makadaan sa EDSA habang bibigyan naman ng ibang ruta ang mga maaapektuhan ng bagong sistema.